
Sinabi ni US President Donald Trump na ang umiiral na ceasefire sa pagitan ng Estados Unidos at Iran ay nasa “on life support,” kasunod ng pagtanggi ng Tehran sa panukalang pangkapayapaan ng Washington na layong wakasan ang nagpapatuloy na sigalot.
Ayon kay Trump, ang tugon ng Iran sa US proposal ay nagpapakita na nananatiling malayo ang dalawang panig sa mahahalagang usapin. Tinawag pa niyang “unacceptable” ang naging sagot ng Tehran, na aniya’y nagpapahina sa ceasefire na nagsimula noong Abril 7.
Iginiit ng Iran ang malawak na kondisyon para sa kapayapaan, kabilang ang pagwawakas ng digmaan sa lahat ng larangan, kompensasyon para sa pinsala sa digmaan, pagtanggal ng US naval blockade, garantiya na hindi na muling aatake, at pagbabalik ng pagbebenta ng langis nito. Iginiit din ng Tehran ang soberanya nito sa Strait of Hormuz, isang mahalagang daluyan ng pandaigdigang suplay ng langis.
Bilang tugon, nagbabala ang Iran na handa ang kanilang sandatahang lakas na tumugon sa anumang “act of aggression,” habang ipinagtanggol ng kanilang Foreign Ministry ang mga hinihingi bilang lehitimo.
Sa gitna ng tensyon, nananatiling kritikal ang sitwasyon sa Strait of Hormuz kung saan malaking bahagi ng pandaigdigang langis at liquefied natural gas ang dumadaan. Iniulat na bumagal ang daloy ng shipping at nagdulot ito ng pagtaas sa presyo ng krudo sa pandaigdigang merkado.
Samantala, inaasahang tatalakayin pa ang krisis sa mga susunod na diplomatikong konsultasyon, kabilang ang pag-uusap ni Trump sa Beijing kasama si Chinese President Xi Jinping, kung saan posibleng maging sentro rin ng diskusyon ang papel ng China sa pag-impluwensya sa Iran.
Patuloy namang nananatiling hindi malinaw kung tuluyang mababasura o mapapanatili ang kasalukuyang ceasefire habang umiigting ang tensyon sa rehiyon.













