Itinanggi ng Iranian Oil Terminals Company ang mga ulat kaugnay ng umano’y oil leak malapit sa Kharg Island, isa sa pangunahing oil export hubs ng Iran sa Persian Gulf.

Lumabas ang mga ulat matapos magpakita umano ang satellite imagery ng malaking oil slick sa karagatang nasa kanluran ng isla nitong mga nakaraang araw, na nagdulot ng pangamba sa posibleng marine pollution.

Ayon sa chief executive ng kumpanya, nagsagawa sila ng masusing inspeksyon sa mga storage tanks, pipelines, loading facilities, at mga tanker sa lugar ngunit wala umanong natukoy na anumang senyales ng tagas ng langis.

Sinabi rin ng opisyal na wala ring naitalang oil leakage ang Marine Emergency Mutual Aid Center o MEMAC, na nagsisilbing monitoring group sa mga insidente ng marine pollution sa rehiyon.

Advertisement

Dagdag pa rito, nagsagawa umano ang mga Iranian teams ng karagdagang field inspections at laboratory testing matapos kumalat ang mga ulat, ngunit wala rin silang natukoy kahit maliit na bakas ng oil spill.

Sa kabila ng mga ulat ng satellite imagery, nanindigan ang mga awtoridad na nananatiling normal ang operasyon sa isa sa pinakamahalagang oil export facilities ng Iran.

Advertisement