Pormal na tinanggap ng Philippine Coast Guard ang 13 generator sets mula sa gobyerno ng Japan upang suportahan ang operasyon sa karagatan at kakayahan sa pagtugon sa mga sakuna sa bansa.

Tinanggap ni Rear Adm. Rommel Supangan, kumatawan kay PCG Commandant Adm. Ronnie Gil Gavan, ang mga kagamitan mula kay Japanese Embassy Minister Naobumi Yokota noong Marso 6 sa Coast Guard National Headquarters sa Maynila.

Ayon sa PCG, gagamitin ang mga generator sa pang-araw-araw na operasyon sa pantalan at bilang backup power sa panahon ng emergency, lalo na sa mga lugar na limitado ang local grids. Titiyakin din nito ang operational capability sa liblib na lugar at susuporta sa disaster relief efforts.

Ang mga generator ay bahagi ng Japan Grant Aid Program, na nagpopondo sa kagamitan at imprastraktura para sa mga kaalyadong bansa. Ani Minister Yokota, makakatulong ang maaasahang supply ng kuryente upang mas epektibong maprotektahan ng PCG ang buhay at kaligtasan sa karagatan.

Advertisement

Naipamahagi na ang mga generator sa ilang distrito ng bansa, bilang bahagi ng patuloy na kooperasyon ng Pilipinas at Japan sa larangan ng maritima, kabilang ang pondo para sa mga barko, surveillance systems, training, at maritime infrastructure.

Advertisement