Lumabas sa pinakabagong survey ng Social Weather Stations (SWS) na kalahati ng mga Pilipino o 50 porsyento ang nagsabing bumaba ang kalidad ng kanilang pamumuhay sa nakalipas na 12 buwan, habang patuloy na tumataas ang bilang ng mga apektado ng inflation at pagtaas ng presyo ng bilihin.
Ayon sa SWS survey na isinagawa mula Marso 24 hanggang 31 sa 1,500 adult respondents, 50 porsyento ang tinukoy na “Losers” o nagsabing lumala ang kanilang buhay, 26 porsyento ang nagsabing “Unchanged,” at 23 porsyento lamang ang “Gainers” o nakaranas ng pagbuti.
Dahil dito, lumabas ang Net Gainers score na -26, mas mababa ng 19 puntos kumpara sa -7 noong Nobyembre 2025. Ayon sa SWS, ito na rin ang pinakamababang antas ng “Gainers” sa loob ng mahigit apat na taon o mula pa noong Setyembre 2021.
Pinakamababa ang net gainers sa Mindanao at Metro Manila na parehong nasa -31 o “very low.” Sumunod ang Visayas na may -25 (“low”) at ang nalalabing bahagi ng Luzon na nasa -23 (“low”).
Sinabi rin na isa sa mga nakitang dahilan ng pagbaba ng kalidad ng buhay ay ang patuloy na epekto ng pagtaas ng presyo ng langis at pagkain. Kasunod ito ng pagtaas ng presyo ng diesel at mga bilihin matapos ang mga tensyon sa Gitnang Silangan, habang umabot naman sa 4.1 porsyento ang inflation rate noong Marso, ayon sa Philippine Statistics Authority.














