Inaprubahan ng House of Representatives sa ikatlo at huling pagbasa ang House Bill No. 4706 na nagdedeklara sa Disyembre bilang National Volunteer Month at Disyembre 5 bilang National Volunteer Day upang palakasin ang kultura ng bolunterismo sa bansa.
Sa botong 263 pabor at isang abstensyon, naipasa ang panukala sa ilalim ng pamumuno nina House Speaker Faustino “Bojie” Dy III at House Majority Leader Ferdinand Alexander “Sandro” Marcos.
Layunin ng panukala na hikayatin ang mas malawak na partisipasyon ng publiko sa mga gawaing boluntaryo at kilalanin ang ambag ng mga volunteer sa lipunan.
Aamyendahan ng House Bill No. 4706 ang Republic Act No. 9418 o Volunteer Act of 2007.
Nakasaad din sa panukala na pangungunahan ng Philippine National Volunteer Service Coordinating Agency ang mga aktibidad kaugnay ng pagdiriwang tuwing Disyembre.
Hinihikayat din ang lahat ng ahensya ng gobyerno, mga local government unit, at pribadong sektor na makibahagi sa selebrasyon.
Ayon kay Pangasinan Rep. Marlyn Primicias-Agabas, may-akda ng panukala, layunin nitong higit pang kilalanin ang serbisyo ng mga boluntaryo at maiayon ang bansa sa pandaigdigang paggunita ng International Volunteer Day tuwing Disyembre 5.














