Iginiit ng House of Representatives of the Philippines na hindi ito matitinag sa umano’y political threats ng Partido Demokratiko Pilipino kaugnay ng nakatakdang botohan sa impeachment ni Bise Presidente Sara Duterte ngayong Lunes, Mayo 11.
Ayon kay Deputy Speaker Paolo Ortega V, hindi matatakot, maba-blackmail, o mapipigilan ang mga kongresista sa pagtupad ng kanilang tungkuling konstitusyonal, kabilang ang pagtalakay sa impeachment complaints.
Pahayag ito ni Ortega kasunod ng babala ng PDP na maaaring i-blacklist at kalabanin sa susunod na halalan ang mga mambabatas na boboto pabor sa impeachment laban kay Duterte.
Dagdag pa ng mambabatas, ang mahalaga sa Kamara ay ang boses ng mamamayang Pilipino at hindi ng isang partidong aniya’y pilit muling nagpapalakas ng impluwensya.
Nakatakdang isagawa ngayong araw ang plenary voting sa House of Representatives of the Philippines para sa Articles of Impeachment laban sa bise presidente.














