Inaprubahan ng Kamara de Representantes sa ikalawang pagbasa ang panukalang batas na naglalayong palawigin ang bisa ng Professional Regulation Commission (PRC) identification cards mula sa kasalukuyang tatlong taon patungong limang taon.
Sa pamamagitan ng voice voting, ipinasa ang House Bill (HB) No. 8876 upang maibsan ang gastos at paulit-ulit na proseso ng renewal para sa milyun-milyong propesyonal na Pilipino.
Ayon kay Leyte Rep. Ferdinand Martin G. Romualdez, Speaker of the House, mahalagang mapagaan ang pasanin ng mga guro, nurse, engineer, architect, accountant, at iba pang propesyonal na itinuturing na haligi ng ekonomiya. Aniya, bahagi rin ito ng pagsisikap na bawasan ang red tape at gawing mas mabilis at makatao ang serbisyo ng gobyerno.
Nakasaad sa panukala ang mga sumusunod na mahahalagang probisyon: pagpapalawig sa limang taon ng validity ng lahat ng Professional Identification Cards (PIC); pag-aatas sa PRC Information and Communication Technology Service na i-upgrade ang digital registration system sa loob ng anim na buwan matapos maisabatas; at pagbawas sa mahabang pila at pagde-decongest ng appointment system ng PRC sa pamamagitan ng mas kaunting taunang transaksyon.
“Sa panahon ngayon, mahalaga na mapagaan natin ang gastos at abala ng ating mga propesyonal. Sa pagpapalawig ng validity ng PRC IDs mula sa tatlo tungo sa limang taon, mas mabibigyan natin sila ng panahon para mag-focus sa kanilang trabaho, kabuhayan, at serbisyo sa bayan kaysa sa paulit-ulit na proseso ng renewal,” pahayag ni Romualdez.
Ang HB 8876 ay pagsasama-sama ng siyam na magkakahiwalay na panukala na isinulong ng iba’t ibang mambabatas sa ilalim ng pamumuno nina Speaker Faustino “Bojie” G. Dy III at House Majority Leader Ferdinand Alexander “Sandro” A. Marcos, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na i-modernisa ang mga serbisyo ng pamahalaan.
“This is a practical and people-centered reform that will make government services faster, more efficient, and more convenient for millions of Filipino professionals,” pahayag ni Marcos.














