Itinalaga ng House prosecution panel sina Lanao del Sur 1st District Representative Zia Alonto Adiong at Kabataan Party-list Representative Renee Co bilang mga opisyal na tagapagsalita ng Kamara de Representantes para sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte sa Senado.

Kinumpirma ito ni Lead Prosecutor Jinky Luistro sa isang press conference nitong Martes, Mayo 19, kung saan sinabi niyang ang dalawa ang magsisilbing tagapagsalita para sa panel ng mga taga-usig ng mababang kapulungan.

Ayon kay Luistro, layunin ng pagtatalaga na mapanatili ang malinaw at organisadong komunikasyon ng prosecution team habang isinasagawa ang impeachment proceedings.

Si Adiong, na pinuno rin ng House committee on suffrage at miyembro ng “Young Guns” bloc, ay nagsabing ilalatag nila ang mga ebidensya nang may linaw, patas, at transparency para sa interes ng publiko.

Advertisement

Samantala, sinabi naman ni Co, isa sa mga pinakabatang mambabatas mula sa minorya at Makabayan bloc, na tututukan niya ang pagpapaliwanag sa proseso ng pananagutan at ang kahalagahan ng paglilitis, lalo na para sa kabataang Pilipino.

Nahaharap si Duterte sa mga akusasyon ng umano’y maling paggamit ng pondo, panunuhol, unexplained wealth, at pagbabanta sa buhay nina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos, at dating Speaker Martin Romualdez.

Ang impeachment trial sa Senado ang magsisilbing huling pormal na pagkakataon ng Bise Presidente upang ipagtanggol ang sarili bago magpasya ang mga senador kung sapat ang ebidensya para sa posibleng pagtanggal sa kanya sa pwesto.

Advertisement