Mariing itinanggi ng ilang lider ng Kamara de Representantes ang alegasyon ni Senadora Imee Marcos na may mga mambabatas na nagsusulong ng constituent assembly o Con-Ass upang amyendahan ang 1987 Constitution at palawigin ang termino ng mga halal na opisyal.

Ayon kay House Senior Deputy Speaker Ferdinand Hernandez, nakatuon umano ang Kamara sa kanilang mga tungkuling lehislatibo at wala silang nakikitang basehan upang bigyang pansin ang aniya’y mga haka-hakang pulitikal.

Sinabi naman ni House Deputy Speaker Janette Garin na wala umanong napag-uusapan sa kanilang mga pagpupulong hinggil sa no-election scenario o pagpapalawig ng termino ng mga opisyal ng gobyerno.

Itinanggi rin ni Garin ang alegasyong ginamit umano ang usapin ng charter change bilang kapalit ng suporta para sa impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte.

Advertisement

Matatandaang sa kanyang privilege speech sa Senado, sinabi ni Senadora Imee Marcos na may mga hakbang umano para isulong ang charter change, palawigin ang termino ng mga opisyal hanggang 2031, at kanselahin ang presidential elections sa 2028.

Sa kabila nito, wala namang inilabas na konkretong ebidensya ang senador kaugnay sa naturang alegasyon.

Advertisement