Nakatakdang maghain ng resolusyon ang Tingog party-list Rep. Jude Acidre at 40 iba pang kongresista para imbestigahan ang umano’y extortion incident na kinasasangkutan ng social media personality na si Franco Mabanta at dating House Speaker Martin Romualdez.

Sa kanyang privilege speech, sinabi ni Acidre na ang hakbang ay “in aid of legislation” upang suriin ang insidente at ang mas malawak na isyu ng papel ng social media influencers at online political operators sa usaping may kinalaman sa public accountability.

Tatalakayin din umano sa imbestigasyon kung dapat bang ipatupad sa social media commentators ang katulad na standards of conduct na sinusunod ng traditional media, kasabay ng pagbuo ng mas malinaw na policy framework para sa digital platforms.

Ayon kay Acidre, mahalagang mapanatili ang kalayaan sa pamamahayag habang pinapalakas ang transparency at responsibilidad ng mga content creator. “Online platforms, digital media networks, and content creators must observe clearer standards of transparency and responsibility,” aniya.

Advertisement

Samantala, iniulat na inaresto ng National Bureau of Investigation (NBI) si Mabanta at apat pang indibidwal sa entrapment operation kaugnay ng umano’y robbery-extortion case.

Ayon sa ulat, ang reklamo ay may kaugnayan sa umano’y pangingikil ng P300 milyon mula kay Romualdez kapalit ng hindi paglalabas ng content na mag-uugnay sa kanya sa isyu ng flood control. Nakalaya rin ang mga suspek matapos magpiyansa.

Advertisement