NAGA CITY – Wala ng buhay nang matagpuan ang katawan ng isang lalaki habang nagpapalutang-lutang sa ilog na sakop ng Canaman, Camarines Sur.

Kinilala ang biktima na si John Paul Lopez, residente ng Zone 2, Brgy. Liñaga ng nasabing bayan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay PCpl. Ruel Beraña, imbestigador ng Canaman PNP, napag-alaman na habang sakay ng kanyang bangka ang isang Roy Aquino nang makita nito ang katawan ng biktima.

Ayon kay Beraña, sa inisyal na imbestigasyon, pinaniniwalaang isang PWD at may problema sa pag-iisip ang nasabing biktima at posibleng aksidente itong nalunod sa nasabing ilog.

Napag-alaman na Marso 5 pa nang nawala ang biktima base sa pahayag ng pamilya nito.

Samantala, hindi na pumayag ang pamilya nito na ipa-otopsiya pa ang katawan ng naturang biktima.