Naglabas ng panibagong pahayag si Katrina Ponce Enrile upang linawin ang kanyang naging komento kaugnay ng pahayag ni Senate President Alan Peter Cayetano tungkol sa umano’y malapit nitong relasyon sa yumaong dating Senate President at Special Adviser to the President na si Juan Ponce Enrile.
Nauna nang sinabi ni Cayetano na tinatawag niyang “uncle” si Juan Ponce Enrile, na aniya ay sumasalamin sa matagal at malapit na ugnayan ng kanilang mga pamilya.
Sa isang Facebook post noong Mayo 14, ilang araw matapos maluklok si Cayetano bilang lider ng Senado at matapos pumanaw si Enrile noong Nobyembre 2025, binigyang-diin ni Katrina na kinikilala ng kanilang pamilya ang matagal nang pagkakakilala ng dalawang pamilya.
Gayunman, nilinaw niyang hindi lamang sa salita nasusukat ang tunay na relasyon.
“Genuine relationships are not measured solely by words spoken publicly after a person has passed,” bahagi ng kanyang pahayag.
Binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng presensya at sinseridad sa mga sandali ng pagdadalamhati.
Ayon kay Katrina, napansin ng kanilang pamilya kung sinu-sino ang naging present sa mga necrological services sa Senado at sa mga araw ng pagluluksa para sa kanyang ama.
Aniya, ang mga huling pahayag tungkol sa pagiging malapit kay Enrile ay nagdulot ng kalungkutan at pagkadismaya sa kanilang pamilya.
Iginiit din niya na dapat laging may katapatan at respeto sa pagbanggit sa alaala ng kanyang ama.
Kasabay nito, naglabas din si Katrina ng mahabang social media post nitong Mayo 25 kung saan tinukoy niya ang lumalaganap na paglalagay ng political labels sa mga indibidwal online.
Ayon sa kanya, nakakapagod na ang kultura kung saan mabilis na ikinakabit ang mga tao sa iba’t ibang political camp tulad ng “DDS,” “anti-DDS,” “pro-Marcos,” o “anti-Marcos.”
Giit niya, ang kanyang mga pahayag ay mula sa personal na karanasan bilang anak at hindi layuning umatake o pumanig sa anumang political group.
“Minsan, nagsasalita lang siya dahil may katotohanan siyang pinanggagalingan,” aniya.
Nilinaw rin ni Katrina na hindi siya ang unang nagbanggit tungkol sa naturang isyu kaya pinili rin niyang ibahagi ang kanyang saloobin bilang bahagi ng kanyang personal na alaala sa kanyang ama.














