Naghain ng reklamo sa Commission on Elections ang poll watchdog na Kontra Daya laban kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at Vice President Sara Duterte kaugnay ng umano’y illegal campaign contributions noong 2022 national elections.
Ayon sa Kontra Daya, kasama rin sa mga inireklamo sina Rodolfo Hilot Jr. at Glenn Escandor, na parehong pinuno ng mga kumpanyang umano’y may kontrata sa gobyerno at nagsilbing campaign donors.
Giit ng grupo, nilabag umano ng mga ito ang Section 95(c) ng Omnibus Election Code na nagbabawal sa mga government contractors na magbigay ng donasyon para sa kampanyang pulitikal.
Batay sa Statements of Contributions and Expenditures (SOCEs), sinabi ng Kontra Daya na umano’y nakatanggap si Marcos ng ₱20 milyon mula kay Hilot noong Mayo 2022, habang si Duterte naman ay umano’y nakatanggap ng ₱19 milyon mula kay Escandor noong Pebrero 2022.
Ayon sa grupo, malinaw sa batas na ipinagbabawal ang ganitong uri ng kontribusyon upang maiwasan ang conflict of interest at hindi tamang impluwensya sa pamahalaan.
Nanawagan ang Kontra Daya sa Comelec na magsagawa ng masusing imbestigasyon, tukuyin ang posibleng pananagutan, at magsampa ng kaukulang kaso kung mapapatunayang may paglabag.
Iginiit din nila na dapat managot ang parehong nagbibigay at tumatanggap ng ipinagbabawal na kontribusyon upang masiguro ang integridad ng halalan.
Patuloy namang hinihintay ang pahayag ng kampo nina Marcos at Duterte kaugnay ng naturang reklamo.














