NAGA CITY – Nakilala na ang lalaking namatay at nahati pa ang katawan matapos na mabangga ng isang van sa Zone 4, Barangay San Gabriel, Pamplona, Camarines Sur, nitong Linggo, Mayo 19.

Kinilala ang biktima na si Rezalde Ramirez, 41-anyos, residente ng Zone 5, Barangay Del Rosario parehong bayan.

Ayon sa imbestigasyon ng mga awtoridad, nakaparada ang motorsiklo na minamaneho ni Ramirez sa gilid ng kalsada ng mabangga ito ng van na mula naman sa Libmanan at patungo sana sa Baao, Camarines Sur.

Napag-alaman pa na nakatulog ang drayber ng van dahilan upang makalabas ito sa linya at mabangga at makaladkad pa ng ilang metro si Ramirez na nagresulta sa pagkakahati ng katawan nito.

Sinubukan pa naman umanong dalhin sa ospital ang biktima ngunit ideklara rin itong dead-on-arrival kan doktor, habang nagtamo rin ng mga sugat ang driver ng van na isinugod sa ospital sa Naga City.

Sa ngayon, nagkasundo na lamang umano ang magkabilang panig sa ammicable settlement kung saan ay magbibigay na lamang ng halagang P200,000 ang may-ari ng nasabing van bilang danyos sa nangyari sa biktima.