NAGA CITY- Patay ang isang lalaki matapos pagtatagain sa Barangy May-Anao, Tigaon, Camarines Sur.

Kinilala ang biktima na si Francisco Garchetorina residente ng Barangay Libod sa nasabing bayan.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Camarines Sur Police Provincial Office (CSPPO), napag-alaman na habang nag-iinuman ang suspek na kinilala naman na si Mike Jayson Bongalonta, 21-anyos, kasama ang kaniyang kapinsanan sa nasabing lugar nang dumating ang biktima at nakipag-inuman sa grupo.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga awtoridad, napag-alaman na nagkaroon umano ng mainit na pagtatalo si Garchetorina laban sa isang pinsan ni Bongalonta na nagresulta naman para magalit ito sa biktima.

Dahil dito, agad na kumuha ng itak si Bongalonta at pinagtataga ang biktima dahilan para magtamo ito ng seryosong tama sa kaniyang braso at tiyan.

Agad naman na dinala sa ospital ang biktima ngunit idineklara ring Dead on Arrival ng mga doktor.

Sa ngayon, nasa kustodiya na ng mga awtoridad ang suspek para sa karampatang disposisyon.