NAGA CITY – Patay ang isang empleyado ng CASURECO 4 matapos na maaksidente ang minamanehong motorsiklo sa Sitio Taculod, Barangay Mampirao, San Jose, Camarines Sur.

Kinilala ang biktima na si Julio Delovino, 57-anyos, residente ng Barangay Sta. Maria, Presentacion, sa naturang lalawigan.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Camarines Sur Police Provincial Office, napag-alaman na habang tinatahak ng biktima ang kahabaan ng kalsada mula sa Centro ng San Jose papunta sa bayan ng Tigaon nang aksidente nitong mabundol ang isang aso na naging dahilan para matumba ito sa sementadong kalsada.

Dahil sa naturang insidente nagtamo ng mga sugat sa iba’t-ibang bahagi ng kaniyang katawan ang biktima, agad naman itong dinala sa ospital para sa asistensya medikal.

Ngunit sa kaparehas na araw tuluyan nang binawian ng buhay si Delovino.

Sa ngayon, nagpapatuloy pa ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad hinggil sa naturang insidente.