NAGA CITY – Sugatan ang isang lalaki matapos makabundol sa road safety baricade ng Metro Naga Water District o MNWD sa Barangay Tabuco, sa lungsod ng Naga.
Kinilala ang biktima na si Enrico Nares, 52-anyos residente ng Palestina, Pili, Camarines Sur.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Naga sa asawa ng biktima na sakay nito, na hindi na nagpakilala pa, sinabi nito na mula pa sila sa bayan ng Pamplona at pauwi na sana sa kanilang residencia ng makabundol ang lunadan sa naturang barikada.
Maswerte namang hindi ito nakadiretso sa excavation ng kalsada.
Dagdag pa dito, sinabi naman ng biktima na hindi agad nakita ng kaniyang asawa ang naturang barikada dahil wala umano ito ng reflectorized tape.
Dahil sa insidente, nagtamo ng iba’t-ibang sugat sa kaniyang katawan ang driver ng behikulo habang hindi naman nasugatan ang angkas nito.
Samantala, tumanggi na itong magpadala sa ospital at agad na lamang umalis sa pinangyarihan ng insidente para makauwi.