Target ng Office of the Ombudsman na maihain ngayong linggo sa Sandiganbayan ang kasong plunder laban kay Senador Jinggoy Estrada kaugnay ng umano’y maanomalyang flood control projects.

Ayon kay Ombudsman Jesus Crispin Remulla, pipirmahan niya ang information laban kay Estrada bago ito isumite sa Sandiganbayan, na inaasahang mangyayari sa Huwebes.

Bukod sa plunder case, kabilang din umano sa ihahain ang iba pang kaugnay na kaso laban sa senador at iba pang respondent.

Nauna nang inirekomenda ng Department of Justice (DOJ) ang pagsasampa ng kasong plunder, graft, at direct bribery laban kay Estrada at ilang opisyal ng pamahalaan, kabilang si dating Public Works Secretary Manuel Bonoan.

Advertisement

Ipinaliwanag ni Remulla na bahagyang naantala ang paghahain ng kaso dahil kinailangan pang ayusin at linawin ang resolusyon upang maging mas matibay ang mga dokumentong ihaharap sa korte.

Ayon pa sa Ombudsman, may iba pang personalidad na sangkot sa kaso ngunit ang ilan sa kanila ay maaaring gawing state witnesses dahil mahalaga umano ang kanilang testimonya sa nagpapatuloy na imbestigasyon.

Samantala, mariing itinanggi ni Estrada ang anumang pagkakasangkot sa umano’y iregularidad.

Iginiit naman ng kampo ng senador na wala umanong sapat na ebidensya upang iugnay siya sa sinasabing kickbacks sa flood control projects.

Advertisement