NAGA CITY-Nasamsam ang lampas kalahating milyon na halaga ng pinaniniwalaang shabu sa isang suspek sa isinagawang buy-bust operation sa Zone 7A, Brgy. Balogo, Pasacao, Camarines Sur.

Kinilala ang suspek na si Joanarico, 46 anyos, residente ng Purok 6, Brgy. Pansol, Calauag, Quezon.

Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Police Regional Office 5, napag-alaman na inaresto ang suspek matapos na makabili dito ang poseur buyer ng Pasacao Municipal Police Station ng isang pirasong heat-sealed transparent plastic sachet ng pinaniniwalaang shabu.

Nang kinapkapan ang suspek, dito pa nakuha sa kanya ang buy-bust money at tatlo pang piraso ng sachet ng pinaniniwalaang shabu.

Kinakalkula ng mga awtoridad na may kabuuang bigat ang mga nakumpiska na 80 grams at nagkakahalaga ng ₱544,000.

Sa ngayon, dinala na ang suspek sa Pasacao Municipal Station para sa karampatang disposisyon.