NAGA CITY- Nasa mahigit kalahating milyon ang nasabat na iligal na droga mula sa isang persona sa isinagawang buy bust operation sa Naga City.

Kinilala ang suspek na si Justin Francis Alteza IV, 25-anyos, residente ng Brgy. Liboton sa naturang lungsod.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Naga City Police Office (NCPO), napag-alaman na ang matagumpay na operasyon ay sa pamamagitan ng pinag-isang pwersa ng Philippine Drug and Enforcement Agency (PDEA)- CamSur at NCPO.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga otoridad, napag-alaman na nakumpiska sa suspek ang nasa 100 grams na iligal na droga na pinaniniwalaang shabu na nagkakahalaga ng P680,000.00.

Sa ngayon, nasa kustodiya na ng mga otoridad ang suspek para sa karampatang disposisyon habang inihahanda ang kasong isasampa laban dito.