NAGA CITY- Mahigit P2.5 million na halaga ng pinaniniwalaang shabu ang nakumpiska mula sa tatlong suspek sa isinagawang buy-bust operation sa Lucena City.
Kinilala ang mga ito na sina Danilo Borjos Dumapin 29, ng Lucena City; Claire Jan Argana Alagon 29, ng Muntinlupa City at si Crislyn Sayson Dolor, 20,ng Bacolod City.
Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office, sinasabing nakumpiska kay Dumapin ang anim na sachet ng pinaniniwalaang shabu at iba pang drug paraphernalia.
Nakuha naman kay Alagon ang isang brown envelope na may laman na dalawang pirasong sachet ng pinaniniwalaang shabu habang nakumpiska naman kay Dolor isang pitaka na may lamang isang pirasong sachet ng pinaniniwalaang shabu.
Sa inisyal na imbestigasyon ng mga otoridad, sampung pirasong sachet ng pinaniniwalaang shabu ang nakumpiska sa mga naturang suspek na tinatayang nasa 126.83 grams ang timbang kung saan nagkakahalaga ito ng P2,581,332.00
Sa ngayon, nasa kustodiya na ng mga otoridad ang mga suspek para sa karampatang disposisyon habang nagpapatuloy pa din ang imbestigasyon ng mga otoridad hinggil sa naturang insidente.