NAGA CITY – Mahigit P392-K ng pinananiniwalaang shabu ang narekober ng mga otoridad mula sa dalawang high value drug personalities sa lungsod ng Naga.

Kinilala ang mga suspek na sina Clarence Talagtag, 55-anyos at Reynaldo Tindugan, 62-anyos, kapwa residente ng Brgy Peñafrancia sa naturang lungsod.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Camarines Sur Provincial Office, nabatid na nakumpiska sa mga ito ang isang knot tied transparent plastic bag ng iligal na droga.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga awtoridad, napag-alaman na ang naturang droga ay may bigat na mahigit 57 grams na nagkakahalaga ng kabuuang P392,336 pesos.

Samantala, ang naturang operasyon ay sa pamamagitan ng pinag-isang pwersa ng PDEA at ng Naga City Police Office (NCPO).

Sa ngayon, nasa kustodiya na ng mga otoridad ang mga suspek para sa karampatang disposisyon.