NAGA CITY- Patay ang isang miyembro ng pinaniniwalaang rebeldeng grupo sa nangyaring engkwentro laban sa tropa ng gobyerno sa Sitio Napao, Brgy. Guibahoy, Lagonoy, Camarines Sur.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Capt John Paul Belleza, Division Public Affairs Office (DPAO) Chief ng 9ID, Phil.Army, sinabi nito na una nang ipinarating ng mga residente ng nasabing lugar ang presensya ng mga pinaniniwalaang rebeldeng grupo.

Aniya, narekober sa pinangyarihan ng insidente ang isang M16 rifle at bangkay ng isa sa mga rebeldeng grupo na napuruhan sa nasabing engkwentro.

Samantala, nagpasalamat naman ito sa lahat ng Bikolano sa pakikipagtulungan upang matigil ang nasabing masamang gawi.

Sa ngayon, nagpapatuloy pa ang isinasagawang hot pursuit operation ng mga awtoridad sa pagkaka-aresto ng iba pang sangkot sa nasabing pangyayari.