NAGA CITY- Dead on the spot ang isang lalaki matapos makasalpok sa truck ang minamanehong motorsiklo sa Barangay Cagsao, Calabanga, Camarines Sur.

Kinilala ang biktima na si Roland Flororita, 43-anyos, residente ng Barangay Amoguis, Lagonoy sa naturang bayan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay P/Lt. Mark Spaña, Deputy Chief of Police ng Calabanga Municipal Police Station, sinabi nito na habang tinatahak ni Flororita ang kalsada sa bayan ng Tinambac, sinubukan nitong mag-overtake sa isang truck na minamaneho naman ni Rowel Agner.

Ayon kay Spaña, nakita umano ng biktima ang paparating na behikulo mula sa kabilang direksyon kung kaya sinubukan nitong bumalik sa tamang linya ngunit dito na ito nakasalpok sa kaliwang bahagi ng truck.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga awtoridad, nabatid na dahil sa insidente, nagtamo ng mga sugat sa iba’t-ibang bahagi ng kaniyang katawan ang biktima na dahilan ng agaran nitong kamatayan.

Samantala, nakikipag-usap na rin si Agner sa pamilya ng biktima para sa posibleng areglo kaugnay ng insidente.

Sa ngayon, nasa kustodiya na ng mga awtoridad ang suspek habang nagpapatuloy pa ang imbestigasyon.