NAGA CITY- Dead-on-arrival ang isang motorcycle driver habang sugatan naman ang dalawang backrider nito matapos na bumangga sa isang barrier at sa likuran na bahagi ng isang truck na nakaparada sa gilid ng kalsada sa Infanta, Quezon.

Kinilala ang binawian ng buhay na si Angelo Perez Peñaojas, 33-anyos habang ang mga sugatan ang kinilala naman na sila Rosalie Prudente Rutaquio, 33-anyos, at isang menor de edad na lalaki, lahat residente ng Barangay Libjo, sa nasabing bayan.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office napag-alaman na habang binabagtas ng isang motorsiklo na pinagmamaneho ni Peñaojas ang nabanggit na kalsada ng aksidente itong bumangga sa isang barrier at tumama pa sa likurang bahagi ng isang truck na nakaparada sa gilid ng daan matapos na hindi gumana ang clutch ng kanyang motorsiklo.

Dahil sa pangyayari nagtamo ng sugat sa iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan ang mga biktima na kaagad namang isinugod sa ospital para sa asistensya medikal. Pero sa kasamaang palad ideklara ring dead on arrival ng doktor si Peñaojas.

Sa ngayon, paalala na lamang ng mga otoridad na palaging magin maingat at laging i-check ang mga gagamitin na sasakayan bago umalis sa bahay upang maiwasan ang kahalintulad na pangyayari.