Bumuo na ng tracking teams ang National Bureau of Investigation (NBI) para umano sa pagpapatupad ng arrest warrant mula sa International Criminal Court (ICC) laban kay Senador Ronald “Bato” dela Rosa.
Ayon kay NBI Director Melvin Matibag, kasalukuyang tinututukan ng mga awtoridad ang tatlong posibleng lokasyon kung saan maaaring naroroon ang senador habang nagpapatuloy ang intelligence operations at monitoring.
Gayunman, sinabi ni Matibag na wala pang tiyak na petsa kung kailan isasagawa ang posibleng pag-aresto dahil patuloy pa ang kanilang operasyon at validation ng impormasyon.
Dagdag pa ng NBI chief, humingi na rin sila ng tulong sa iba’t ibang ahensya at personalidad sa intelligence network upang mapalakas pa ang tracking operations laban kay Dela Rosa.
Ipinahayag din ng NBI na agad nilang inihanda ang tracker teams matapos maglabas ng kautusan ang Department of Justice (DOJ) na ipatupad ang anumang legal na utos mula sa ICC.
Ayon pa kay Matibag, may opsyon si Dela Rosa na kusang sumuko, bagama’t naniniwala siyang malabong mangyari ito.
Samantala, sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary Claire Castro na wala pang opisyal na kumpirmasyon ang Malacañang hinggil sa mga bagong warrant, ngunit hindi umano nakapagtataka kung magkaroon pa ng karagdagang mga akusado sa kaso.
Binigyang-diin din ni Matibag na ipatutupad ng gobyerno ang anumang legal na utos mula sa ICC alinsunod sa umiiral na batas, at hinikayat ang mga posibleng maisama sa kaso na kusang sumuko sakaling magkaroon ng warrant.














