Inihayag ni National Bureau of Investigation (NBI) Director Melvin Matibag na ipatutupad ng NBI ang direktiba ni Justice Secretary Fredderick Vida na isilbi ang arrest warrant mula sa International Criminal Court laban kay Senador Ronald dela Rosa.
Ayon kay NBI Director Matibag, agad nilang ipatutupad ang kautusan at walang magiging pagkaantala sa operasyon.
“The order is to arrest Senator Dela Rosa, so we’ll do so without delay,” pahayag ni Matibag.
Dagdag pa ng NBI Director, isasagawa ang pag-aresto nang naaayon sa tamang proseso at may pagtalima sa mga alituntunin ng batas.
“In carrying out the arrest, we will strictly abide by the rules and ensure it is done professionally, as we always do,” aniya.
Giit pa ni Matibag, aarestuhin si Senador dela Rosa anuman ang maging pagtutol nito, alinsunod sa tungkulin ng ahensya na ipatupad ang batas nang walang kinikilingan.
Samantala, nauna nang naghain si Senador dela Rosa ng petisyon para sa Temporary Restraining Order (TRO) at/o Status Quo Ante Order sa Supreme Court of the Philippines upang pigilan ang implementasyon ng ICC warrant sa bansa, ngunit ito ay ibinasura ng Kataas-taasang Hukuman sa botong 9-5-1.
Kasunod ng insidente ng putukan sa Senado noong Mayo 13, tiniyak din ng NBI ang pakikipagtulungan nito sa fact-finding panel ng Department of Justice sa isinasagawang imbestigasyon.
Ayon kay NBI Director Matibag, nakikipag-ugnayan na rin sila sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ng Philippine National Police upang maibahagi ang mga sworn statements mula sa mga NBI personnel na nakatalaga sa GSIS premises noong Mayo 13.
Ibinigay din ng NBI sa CIDG ang mga video recordings, radio communications, at iba pang materyales na nakalap mula Mayo 11 hanggang Mayo 13 na may kaugnayan sa operasyon laban kay Senador dela Rosa.














