Ipinaliwanag ni National Bureau of Investigation (NBI) Director Melvin Matibag na hindi nangangahulugang tiyak na gumamit ng baril si Mel Oragon, volunteer driver na iniugnay sa insidente sa Senado noong Mayo 13, 2026, sa kabila ng pagpositibo nito sa paraffin test.
Ayon kay Matibag, maaaring hindi katiyakan ng pagkakagamit ng baril ang resulta ng paraffin test dahil posibleng nailipat lamang ang gunpowder residue sa katawan ni Oragon.
Ipinaliwanag niya na maaaring mangyari ang transfer ng gunpowder mula sa ibang tao o lugar, lalo na umano nang idinapa si Oragon sa bahagi ng Senado kung saan naganap ang putukan ng mga tauhan ng Senate Office of the Sergeant-at-Arms (OSAA).
“Halimbawa, ‘yong humawak sa ‘yo may gunpowder sa kamay, nalipat sa ‘yo, sa katawan mo… Idinapa siya kung saan mismo nagpaputok ng baril ‘yong mga OSAA. Maraming gunpowder do’n, sigurado. So that’s a possibility,” pahayag ni Matibag.
Matatandaan na mariing itinanggi ni Oragon na siya ang nagpaputok sa insidente at iginiit na may video umano siyang magpapatunay na wala siyang hawak na baril noong kaguluhan sa Senado.














