Iniimbestigahan ng National Bureau of Investigation ang ulat na umano’y nakita si Senador Ronald dela Rosa sakay ng isang yate patungo sa hindi tinukoy na lalawigan.
Ayon kay NBI Director Melvin Matibag, posibleng layunin ng naturang impormasyon na iligaw ang mga awtoridad na kasalukuyang naghahanap at posibleng aaresto sa senador.
Ito ay kasunod ng napaulat na arrest warrant mula sa International Criminal Court kaugnay ng kanyang naging papel sa madugong kampanya kontra droga noong administrasyong Duterte.
Nauna nang naiulat na umalis si dela Rosa sa Senado noong madaling araw ng Mayo 14, ilang oras matapos ang pamamaril sa loob ng Senado, at mula noon ay hindi na siya muling nakikita sa publiko.
Sa kasalukuyan, nagpapatuloy ang isinasagawang nationwide manhunt para sa senador.












