Tuloy pa rin ang negosasyon ng Pilipinas at China, gayundin ng ASEAN at China, kaugnay ng isyu sa South China Sea, sa kabila ng ilang pagbabago sa in-person meetings dahil sa banta ng problema sa suplay ng langis, ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA).
Kinumpirma ng DFA noong Marso 27 na isinasagawa sa Quanzhou, China ang ika-24 na Philippines-China Foreign Ministry Consultations (FMC) at ika-11 na Bilateral Consultation Mechanism (BCM) meeting tungkol sa South China Sea. Pinamumunuan ni DFA Undersecretary Leo Herrera-Lim ang delegasyon ng Pilipinas.
Ayon sa DFA, ang mga pulong na ito ay mahalagang mekanismo para sa bukás na talakayan ng mga isyung bilateral at para sa pag-uusap sa posibleng kooperasyon sa mga hindi sensitibong usapin.
Samantala, sinabi ng DFA ASEAN Affairs na tuloy rin ang pag-uusap ng ASEAN at China ukol sa Code of Conduct sa South China Sea. Bagama’t maaaring paikliin ang ilang ASEAN meetings dahil sa national energy emergency, nananatiling pokus ang mga delegado sa mga mahahalagang isyu sa rehiyon.
Dagdag pa ng DFA, layunin pa rin ng ASEAN at China na matapos ang Code of Conduct sa hinaharap, habang patuloy ang koordinasyon sa pagitan ng mga bansa para sa mapayapa at maayos na pamamahala ng South China Sea.












