Kinumpirma ng Office of the Ombudsman ang rekomendasyon ng Department of Justice (DOJ) na sampahan ng kasong plunder si Senador Jinggoy Estrada at iba pang opisyal kaugnay ng umano’y anomalya sa flood control projects.
Ayon kay Assistant Ombudsman Mico Clavano, kabilang si Estrada sa mga “primary respondents” na nakasaad sa resolusyon ng DOJ.
“The primary respondents named in the resolution of the DOJ include Senator Jose ‘Jinggoy’ Ejercito Estrada,” ani Clavano sa isang press conference nitong Mayo 18, 2026.
Kasama rin sa listahan ng DOJ si dating Department of Public Works and Highways Secretary Manny Bonoan.
Tumanggi namang magbigay ng pahayag si Estrada hinggil sa kaso. “No comment,” aniya, at idinagdag pa, “Talk to my lawyer.”
Matatandaang nauna nang inihayag ng Ombudsman ang mga kasong inihahanda laban kina Sen. Chiz Escudero at dating House Speaker at Leyte 1st District Rep. Martin Romualdez.
Sa mga kasalukuyan at dating senador, si dating Sen. Bong Revilla lamang ang naaresto kaugnay ng umano’y anomalya sa flood control projects.














