Kinumpirma ng Malacañang nitong Martes na nagbitiw sa puwesto si Presidential Adviser on Peace, Reconciliation, and Unity Sec. Carlito Galvez, at si dating DILG Secretary Mel Senen Sarmiento ang itinalagang kapalit nito.
Ayon sa Malacañang, pormal nang umalis si Galvez sa kanyang tungkulin bilang pinuno ng OPAPRU, habang inaasahang hahalili si Sarmiento sa naturang posisyon.
Si Sarmiento ay nagsilbi bilang kalihim ng Department of the Interior and Local Government (DILG) sa administrasyon ni dating Pangulong Noynoy Aquino.
Samantala, bago pamunuan ang OPAPRU, humawak si Galvez ng iba’t ibang matataas na posisyon sa militar, kabilang ang pagiging Unified Commander ng lahat ng pwersa ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa panahon ng limang buwang bakbakan sa Marawi noong 2017, at kalaunang naging AFP chief noong 2018.
Matapos magretiro sa serbisyo militar, itinalaga si Galvez noong 2018 bilang peace adviser sa administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte. Naging pangunahing tagapagpatupad din siya ng National Task Force laban sa COVID-19 mula 2020 hanggang 2022, at nagsilbing vaccine czar noong pandemya.
Sa ilalim naman ng kasalukuyang administrasyon, nagsilbi siya bilang officer-in-charge ng Department of National Defense mula Enero hanggang Hunyo 2023 bago muling itinalaga bilang peace adviser.














