Ipinagtanggol ng National Bureau of Investigation (NBI) ang pag-aresto kay Franco Mabanta sa kabila ng mga alegasyon na ito ay paglabag sa freedom of expression.
Ayon kay NBI Director Melvin Matibag, sinusuportahan ng ahensya ang kalayaan sa pagpapahayag ngunit hindi ito maaaring gamitin bilang proteksyon sa mga ilegal na gawain gaya ng pangingikil, pagbabanta, at pananakot.
“Kung ang isang material na gagamitin sa pagpapahayag ng saloobin ay gagamitin sa illegal na gawain… ay hindi po tama ‘yun,” ani Matibag.
Ipinaliwanag din ng NBI na ang isinagawang operasyon laban kay Mabanta at ilang kasama ay isang entrapment operation na isinagawa sa ilalim ng mahigpit na proseso.
Ayon sa ahensya, transparent ang operasyon at minanmanan pa ng ilang media personalities na naroroon sa lugar upang i-monitor ang insidente.
Nauna nang inaresto si Mabanta at apat pang indibidwal kaugnay ng umano’y tangkang extortion laban kay dating House Speaker Martin Romualdez.
Ayon sa ulat, pinagbantaan umano si Romualdez na ilalabas ang mga video na mag-uugnay sa kanya sa flood control scandal kapalit ng P350 milyong bayad.
Itinanggi naman ni Mabanta ang mga paratang laban sa kanya.
Pinalaya ang grupo matapos magpiyansa na tig-P120,000 bawat isa matapos maglabas ng release order ang Pasig Regional Trial Court Branch 167.
Samantala, naglabas din ng subpoena ang NBI laban kay CJ Hirro ng Peanut Gallery Media Network, at inaasahang haharap siya sa imbestigasyon sa Mayo 11.
Sinabi ng NBI na depende sa ebidensiya, maaaring ipagpatuloy, isama, o i-dismiss ang kaso laban sa mga sangkot.














