Nagsampa ng kasong obstruction of justice sa Department of Justice o DOJ ang mga kaanak ng nawawalang sabungero laban kay Atty. Caroline Cruz, abogado ng negosyanteng si Charlie “Atong” Ang.
Ayon sa mga complainant, umano’y binayaran ni Atty. Cruz ang ilang pamilya ng mga nawawalang sabungero upang tuluyan nang iatras ang mga kaso kaugnay ng pagkawala ng kanilang mga kaanak.
Sinabi pa ng mga nagreklamo na may ilang pamilya umano na tumatanggap ng tig-₱40,000 kada buwan kapalit ng hindi na pagtutuloy sa kaso.
Magugunitang nahaharap na rin sa kaso si Atong Ang matapos siyang ituro ng whistleblower na si Julie “Dondon” Patidongan bilang umano’y mastermind sa pagkawala ng mga sabungero.
Ayon kay Patidongan, ipinapatapon umano sa Taal Lake ang mga bangkay ng mga biktima kung saan ilan na umano ang natagpuan.
Samantala, kinumpirma ni Prosecutor General Richard Fadullon na may ilang pamilya ng mga nawawalang sabungero ang hindi na interesadong dumalo sa mga pagdinig sa kabila ng mga hakbang na ginagawa ng pamahalaan para sa imbestigasyon ng kaso.














