Isinulong ng ilang mambabatas, sa pangunguna ni Manila Rep. Joel R. Chua, ang panukalang “Fuel Price Stabilization and Energy Security Act” upang maibalik sa pamahalaan ang kapangyarihang makialam sa presyo ng langis at maprotektahan ang mga Pilipino laban sa biglaang pagtaas nito.
Layunin ng House Bill (HB) No. 8839 na maibsan ang epekto ng pabagu-bagong presyo ng langis sa pandaigdigang merkado, lalo na sa gitna ng umiiral na tensyon sa Middle East na kadalasang nagdudulot ng pagtaas ng presyo ng krudo.
Ayon kay Chua, mahalagang maibalik sa gobyerno ang kakayahang kontrolin ang presyo ng fuel upang hindi direktang maipasa sa mamamayan ang bigat ng pagtaas nito. Aniya, sa kasalukuyang sistema, halos walang magawa ang pamahalaan kapag sumirit ang presyo ng langis sa world market.
Sa ilalim ng panukala, itatatag ang Fuel Regulatory Board na bubuuin ng limang miyembro, kabilang ang isang chairperson, dalawang eksperto sa larangan ng enerhiya, at mga kinatawan mula sa consumer at transport sector.
Magkakaroon din ng bagong Oil Price Stabilization Fund at Strategic Fuel Reserve upang matiyak ang sapat na suplay at agarang tugon sa krisis sa langis.
Kabilang sa kapangyarihan ng Fuel Regulatory Board ang magtakda ng price ceilings o pansamantalang limitasyon sa presyo, mag-imbestiga laban sa anti-competitive practices, at magpatupad ng mga hakbang upang mapanatili ang katatagan ng presyo ng fuel.
Iginiit ni Chua na epektibong binabalewala ng panukala ang ilang probisyon ng Oil Deregulation Law of 1998, at nagbabalik sa pamahalaan ng awtoridad na makialam sa presyo at suplay ng langis sa panahon ng abnormal na sitwasyon.
Dagdag pa ng mambabatas, sa pamamagitan ng panukala ay magkakaroon ng malinaw na mekanismo upang maprotektahan ang mga konsyumer laban sa domino effect ng pagtaas ng presyo ng gasolina at diesel sa pamasahe, pagkain, at iba pang gastusin sa bahay.














