Ikinatuwa ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang naganap na pagpupulong nina US President Donald Trump at Chinese President Xi Jinping, at binigyang-diin ang kahalagahan ng patuloy na pag-uusap ng dalawang makapangyarihang bansa upang mapanatili ang kapayapaan at katatagan sa gitna ng umiiral na tensiyong heopolitikal.
Ayon kay Marcos, positibong senyales ang pagpapatuloy ng komunikasyon sa pagitan ng Estados Unidos at China sa kabila ng mga kinahaharap na isyu ng dalawang bansa.
“It is always very encouraging to see when the two nations, such as China and the United States, can still come together and communicate with one another,” pahayag ng Pangulo sa isang panayam.
Binigyang-diin din ni Marcos na mahalaga ang diplomasya at bukas na komunikasyon upang maiwasan ang mas matinding sigalot at mapanatili ang kaayusan sa rehiyon at maging sa buong mundo.
Hindi naman nagbigay ng karagdagang detalye ang Pangulo hinggil sa nilalaman ng pag-uusap nina Trump at Xi, ngunit sinabi niyang mahalagang hakbang ang anumang dayalogo sa pagitan ng dalawang pandaigdigang kapangyarihan.














