Pansamantalang ipatutupad ng pamahalaan ang four-day work week sa ilang tanggapan ng ehekutibo simula Marso 9, 2026, ayon kay President Ferdinand Marcos Jr.
Nilinaw ng Pangulo na hindi saklaw ng naturang patakaran ang mga ahensiyang nagbibigay ng emergency at frontline services tulad ng pulisya at bumbero upang matiyak na tuloy-tuloy ang pagbibigay-serbisyo sa publiko.
Kasabay nito, inatasan din ni Marcos ang lahat ng ahensya ng pamahalaan na magpatupad ng mga hakbang sa pagtitipid sa konsumo ng kuryente at petrolyo. Kabilang dito ang pansamantalang pagbabawal sa mga hindi kinakailangang biyahe at aktibidad ng gobyerno.
Binigyang-diin din ng Pangulo na hihiling siya ng kapangyarihan mula sa Kongreso ng Pilipinas upang pansamantalang bawasan ang excise tax sa mga produktong petrolyo.
Ipapatupad lamang ang hakbang kung aabot sa 80 US dollars kada bariles ang presyo ng langis sa pandaigdigang merkado.
Layunin ng pamahalaan na mapigilan ang labis na pagtaas ng presyo ng gasolina at diesel sa bansa.
Samantala, naglabas na ng memorandum circular ang Malacañang na nilagdaan ni Executive Secretary Ralph Recto kaugnay sa implementasyon ng apat na araw na work week sa ilang tanggapan ng ehekutibo.











