Pinagtibay ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. bilang agarang panukala ang pagbabago sa Republic Act No. 9367 o ang Biofuels Act of 2006.

Ayon sa Malacañang, layunin ng hakbang na mabawasan ang epekto ng pagmahal ng produktong petrolyo sa bansa, na pinalala ng tensyon sa Gitnang Silangan at ng pabago-bagong presyo ng langis sa pandaigdigang merkado.

Nakasaad ang mga iminungkahing pagbabago sa Senate Bill No. 1965. Dahil sa sertipikasyon ng pangulo, maaari nang aprubahan ng Kongreso ang panukala sa ikalawa at ikatlong pagbasa sa loob lamang ng isang araw.

Sa ilalim ng panukala, maaaring pahintulutan ng pangulo ang isang taong pag-aangkat ng mga sangkap ng biofuels tulad ng bioethanol at biodiesel kung ang presyo ng blended gasoline o diesel ay mas mataas ng hindi bababa sa limang porsiyento kumpara sa purong gasolina o diesel.

Advertisement

Nakasaad din sa panukala na ang malilikom na buwis at taripa mula sa pag-aangkat ng mga produktong ito ay ilalaan sa mga programang ayuda para sa mga magsasaka at manggagawa sa lokal na industriya ng biofuels.

Inihain ang panukala sa plenaryo nina Pia Cayetano, chair ng Senate Energy Committee, at Jinggoy Estrada.

Samantala, patuloy ang pagtaas ng presyo ng langis matapos sumiklab ang digmaan sa Gitnang Silangan noong Pebrero 28.

Advertisement