Inihayag ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na wala pa itong pinal na resulta sa patuloy nitong imbestigasyon laban sa isang “Sammy Uy,” na ilang taon nang iniimbestigahan kaugnay ng umano’y koneksyon sa ilegal na droga.
Ayon kay PDEA spokesperson Atty. Joseph Frederick Calulut, nagpapatuloy pa rin ang beripikasyon ng ahensya kung may direktang kinalaman si Uy sa ilegal na droga, dahil umano sa dami ng gumagamit ng kaparehong pangalan.
“We are still conducting investigation nga po kung may involvement si Mr. Sammy Uy… So yung mga iba baka gumagamit din ng ibang pangalan,” ani Calulut.
Dagdag pa niya, isinasaalang-alang din ng PDEA ang posibilidad na may iba pang indibidwal na gumagamit ng kaparehong pangalan o alyas, lalo na sa mga Filipino-Chinese communities.
Sinabi rin ng ahensya na matagal na nilang sinusuri ang mga ulat kaugnay kay Uy, kasama ang iba pang personalidad na sina “Michael Yang” at “Peter Lim.”
Ang pahayag ng PDEA ay kasunod ng mga alegasyon sa House justice panel impeachment hearings kung saan iniugnay si Uy sa umano’y drug-related activities at sa ilang politikal na personalidad, na patuloy namang pinagtatalunan at iniimbestigahan.














