Nagbabala ang Partido Demokratiko Pilipino o PDP na hindi nito susuportahan o papayagang tumakbo sa ilalim ng kanilang partido ang mga politikong boboto pabor sa impeachment case laban kay Bise Presidente Sara Duterte.
Sa inilabas na pahayag ng partido, sinabi nitong hindi maaaring lumipat sa PDP ang mga mambabatas na susuporta sa impeachment complaint laban sa bise presidente.
Ayon pa sa partido, maaaring ma-blacklist ang mga boboto pabor sa impeachment at posible ring suportahan ng PDP ang mga katapat nilang kandidato sa mga susunod na halalan.
Iginiit ng partido na hindi ito pagbabanta kundi bahagi lamang ng tinawag nitong “political accountability” laban sa umano’y “politically driven impeachment” laban kay Duterte.
Samantala, sinabi ni Duterte na isa na siyang “presumptive candidate” para sa 2028 presidential elections matapos niyang ihayag ang planong pagtakbo sa pinakamataas na posisyon sa bansa.
Nakatakda namang pagbotohan ngayong Lunes ng House of Representatives of the Philippines sa plenaryo ang Articles of Impeachment laban sa bise presidente.














