Nagbabala ang Partido Demokratiko Pilipino–Lakas ng Bayan o PDP Laban laban sa mga mambabatas na susuporta sa impeachment case ni Bise Presidente Sara Duterte, kasabay ng pag-usad ng impeachment proceedings laban sa kanya sa Kamara.
Ayon sa PDP Laban, hindi nito tatanggapin sa partido ang mga kongresistang boboto pabor sa impeachment ng bise presidente.
Sinabi ng partido na iba-blacklist ang mga ito at hindi papayagang tumakbo sa ilalim ng PDP Laban sa mga susunod na halalan. Posible rin umanong maglatag ng katapat na kandidato laban sa kanila.
Iginiit ng partido na hindi ito pagbabanta kundi bahagi lamang ng tinawag nitong “political accountability” kaugnay ng umano’y politically driven impeachment laban kay Duterte.
Samantala, sa isang panayam sa The Hague, sinabi ni Duterte na isa na siyang “presumptive candidate” matapos niyang ihayag ang intensyong tumakbo sa susunod na presidential elections.
Patuloy naman ang pagtalakay ng House Committee on Justice sa impeachment complaints laban sa bise presidente matapos aprubahan ang Articles of Impeachment.
Kabilang sa mga alegasyon laban kay Duterte ang umano’y maling paggamit ng P612.5 milyong confidential funds, pagbabanta umano laban kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos, dating House Speaker Martin Romualdez, at umano’y hindi maipaliwanag na yaman.
Nakatakda namang dalhin sa plenaryo ng Kamara de Representantes ang impeachment report para pagbotohan, kung saan kinakailangan ang hindi bababa sa 106 boto bago ito maipasa sa Senado na magsisilbing impeachment court.














