Iginiit ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na nais ng Pilipinas na maiwasang madamay sa anumang sigalot sa pagitan ng China at Taiwan, kasabay ng paninindigan ng bansa sa One China Policy.

Sa panayam ng Japanese media nitong Lunes, sinabi ni Marcos na pangunahing ikinababahala ng pamahalaan ang posibleng epekto ng tumitinding tensyon sa mga Pilipino sa Taiwan, kung saan may halos 200,000 overseas Filipino workers.

Ayon sa Pangulo, walang pagpipilian ang Pilipinas kundi paghandaan ang epekto ng sigalot dahil sa lapit ng Taiwan sa hilagang bahagi ng bansa. Binigyang-diin niya na nais ng Pilipinas na maresolba ang mga hindi pagkakaunawaan sa mapayapang paraan at maiwasan ang anumang komprontasyon o digmaan sa rehiyon.

Muli ring pinagtibay ni Marcos ang pagsunod ng bansa sa One China Policy, na kumikilala sa People’s Republic of China bilang tanging lehitimong estado ng China.

Advertisement

Sinabi rin ng Pangulo na pinaigting ng Pilipinas ang pakikipag-ugnayan sa China at inaasahang magkakaroon ng regular na pagpupulong ang mga foreign minister ng dalawang bansa sa mga susunod na linggo upang mapanatili ang diplomasya at kooperasyon sa rehiyon.

Matatandaang walang pormal na diplomatic ties ang Pilipinas at Taiwan, ngunit mayroong Manila Economic and Cultural Office (MECO) sa Taiwan na nagsisilbing de facto embassy ng bansa.

Advertisement