Nakaalerto ang Philippine National Police (PNP) sa mga posibleng epekto ng Bagyong Francisco habang ito ay papalapit sa bansa.

Sa inilabas na pahayag ni PNP Chief Gen. Jose Melencio Nartatez Jr., sinabi niyang nakahanda na ang mga police unit sa pagpapatupad ng disaster response protocols at patuloy na nakikipag-ugnayan sa mga lokal na pamahalaan upang matiyak ang maagap na pagtugon at kaligtasan ng publiko.

Ayon kay Nartatez, patuloy ding nakikipagtulungan ang PNP sa mga lokal na awtoridad para sa posibleng pre-emptive evacuations at iba pang kinakailangang paghahanda sa mga komunidad na maaaring maapektuhan ng masamang panahon.

Bagama’t inaasahang hindi direktang magla-landfall ang bagyo batay sa pagtataya ng state weather bureau, sinabi ng PNP chief na maaari pa rin nitong palakasin ang southwest monsoon o hanging habagat, na posibleng magdulot ng malalakas na pag-ulan simula ngayong araw.

Advertisement

Binigyang-diin niya na ang pangunahing ikinababahala ng mga pulis ay ang matinding pag-ulan na maaaring magresulta sa pagbaha at pagguho ng lupa, lalo na sa mga mabababang lugar at komunidad na madaling maapektuhan ng sakuna.

Dahil dito, muling hinihikayat ng PNP ang publiko na manatiling mapagmatyag at sumunod sa mga opisyal na abiso at babala mula sa mga lokal na awtoridad upang matiyak ang kanilang kaligtasan.

Advertisement