Pinalalakas ng Philippine National Police (PNP) ang surveillance sa mga high-risk areas at kooperasyon sa mga establisimyento matapos mabigo ang tangkang pagnanakaw sa dalawang pawnshop sa Quezon City.

Ayon sa PNP, inatasan ni Police General Jose Melencio Nartatez Jr. ang lahat ng Police Regional Offices (PROs) na paigtingin ang monitoring sa mga high-risk areas at palakasin ang koordinasyon sa mga pribadong security personnel.

Inatasan din ang mga yunit ng pulisya na magsagawa ng regular na inspeksyon sa mga delikadong establisimyento, partikular ang mga pawnshop at iba pang financial institutions.

Kasunod ito ng pagkakadiskubre ng pulisya sa isang underground tunnel na umano’y hinukay ng mga hindi pa nakikilalang suspek at tumutungo sa dalawang pawnshop sa Novaliches, Quezon City.

Advertisement

Ayon sa ulat, isang security guard ang nakarinig ng kakaibang ingay mula sa malapit na manhole sa loob ng establisimyento kaya agad itong ini-report sa pulisya, na nagresulta sa pagkakadiskubre ng tunnel.

Sinabi ni Nartatez na hindi ito simpleng tangkang pagnanakaw dahil may malinaw na plano, kagamitan, at istratehiya ang mga suspek, kaya dapat mas organisado at mabilis ang tugon ng awtoridad.

Giit pa niya, bahagi ito ng posibleng pattern ng organized property crime at tiniyak na hindi papayagang makapag-operate ang mga sindikato.

Pinuri rin ng PNP ang mabilis na aksyon ng security guard at mga pulis na nakatulong upang maiwasan ang mas malalang insidente.

Sa kasalukuyan, patuloy ang imbestigasyon ng PNP upang alamin kung may koneksyon ang insidente sa iba pang kaso na may kaparehong modus tulad ng tunneling at pag-bypass sa security systems.

Advertisement