Tiniyak ng Philippine National Police (PNP) na magiging transparent at dadaan sa tamang proseso si dating Ako Bicol Partylist Representative Zaldy Co sa oras na makabalik ito sa bansa.

Ayon kay PNP Spokesperson at Public Information Office Chief PBGen. Randulf Tuano, mula sa pagdating ni Co sa Pilipinas hanggang sa kanyang booking procedures tulad ng mugshot at medical examination, paiiralin ang transparency hanggang sa pagharap niya sa Sandiganbayan.

Inilatag din ni Tuano ang mga hakbang na susundin sa pagdating ng dating kongresista, kabilang ang pag-turn over mula sa Department of Foreign Affairs (DFA) patungo sa Department of the Interior and Local Government (DILG), bago dalhin sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa Camp Crame para sa fingerprinting, mugshot, at medical at physical examination.

Matapos ang mga prosesong ito, dadalhin si Co sa Sandiganbayan para sa return of warrant of arrest.

Advertisement

Dagdag pa ni Tuano, bagamat nasa DFA ang ilang detalye, inatasan na ni PNP Chief PGen. Jose Melencio Nartatez Jr. ang pulisya na paghandaan ang iba’t ibang posibleng scenario sa pagdating ni Co sa paliparan.

Samantala, patuloy ang pakikipag-ugnayan ng pamahalaan sa mga foreign counterparts upang matiyak ang agarang pagpapauwi kay Co upang harapin ang kanyang mga kaso kaugnay ng flood control scandal.

Advertisement