Mariing kinondena ni Pope Leo XIV ang banta ni U.S. President Donald Trump na targetin ang civilian infrastructure ng Iran, at nanawagan ng mapayapang solusyon sa lumalalang tensyon sa Gitnang Silangan.

Sa kanyang pahayag nitong Miyerkules, sinabi ng Santo Papa na hindi katanggap-tanggap ang banta ni Trump na “whole civilization will die tonight” kung hindi makikipagkasundo ang Iran. Hinimok niya ang mga lider sa iba’t ibang bansa na piliin ang kapayapaan kaysa karahasan at bumalik sa negosasyon upang wakasan ang labanan.

Binigyang-diin ni Pope Leo na ang pag-atake sa mga sibilyan ay labag sa international law, at nagpahayag ng pag-aalala para sa mga inosenteng mamamayan, lalo na ang mga bata, matatanda, at may sakit na maaaring maging biktima ng patuloy na karahasan. Nanawagan din siya sa publiko na hikayatin ang kanilang mga lider na isulong ang kapayapaan at iwasan ang digmaan.

Kasabay ng pahayag ng Santo Papa, kinondena rin ng U.S. Conference of Catholic Bishops ang banta ng Amerika. Ayon kay Archbishop Paul S. Coakley, hindi maaaring bigyang-katwiran ang pag-target sa mga sibilyan at may iba pang paraan upang maresolba ang alitan nang hindi nauuwi sa digmaan. Samantala, wala pang opisyal na reaksyon ang White House sa isyu.

Advertisement
Advertisement