Nagbabala ang Department of Energy (DOE) na maaaring magpatuloy ang rotational blackouts o paminsang brownout sa ilang bahagi ng bansa ngayong taon dahil sa banta ng El Niño, kasabay ng posibleng pagtaas ng singil sa kuryente sa Hunyo.

Ayon sa DOE, inaasahang makararanas ng yellow at red alerts ang Luzon at Visayas sa mga susunod na buwan dahil sa kakulangan ng reserbang suplay ng kuryente. Sa Luzon, posibleng maitala ang isa pang yellow alert, habang sa Visayas ay maaaring umabot sa pitong yellow alerts at anim na red alerts tuwing peak hours ng gabi. Sa Mindanao naman, inaasahan ang anim na yellow alerts.

Ipinaliwanag ni Energy Undersecretary Felix William Fuentebella na ang yellow alert ay indikasyon ng mababang power reserves, habang ang red alert ay nangangahulugang hindi na sapat ang suplay upang matugunan ang demand ng mga konsumer.

Binigyang-diin naman ni Undersecretary Rowena Cristina Guevara na maaaring magdulot ng pagtaas sa singil sa kuryente ang pag-iral ng mga naturang alert level.

Advertisement

Samantala, patuloy na nagpapatupad ang pamahalaan ng mga hakbang upang palakasin ang mga pangunahing transmission line at nakikipag-ugnayan sa mga power generation firm upang mapatatag ang suplay ng kuryente sa grid, ayon kay Presidential Communications Undersecretary Claire Castro.

Advertisement