Naglunsad anfg isang grupo ng mga tagasuporta ng dating Duterte administration at ni Vice President Sara Duterte ng Reform Alliance for Good Governance (RAGE) Coalition nitong Linggo, Abril 12 sa Club Filipino sa San Juan City.

Pinangunahan ang paglulunsad ni Davao City Mayor Sebastian Duterte, na nagsabing binubuo ang koalisyon ng iba’t ibang sektor na nagkakaisa umano sa layuning ipaglaban ang katotohanan, good governance, at pananagutan.

Kasunod ito ng pagkakatalaga kay Mayor Duterte bilang bagong presidente ng Partido ng Demokratikong Pilipino–Laban (PDP-Laban).

Dumalo rin sa pagtitipon sina Sen. Robinhood Padilla at Sen. Christopher Bong Go, gayundin sina dating kongresista Mike Defensor, Batangas Rep. Leandro Legarda Leviste, dating House Speaker Pantaleon “Bebot” Alvarez, at dating executive secretary Vic Rodriguez.

Advertisement

Ang paglulunsad ng RAGE Coalition ay isinagawa bago ang nakatakdang impeachment hearing sa House Committee on Justice sa Abril 14, kung saan inaasahang haharap si Ramil Madriaga, na umaming dating “bagman” umano ni VP Sara Duterte.

Nauna nang naghain ng petisyon sa Korte Suprema ang kampo ni VP Sara upang ipatigil ang impeachment proceedings, ngunit wala pang inilalabas na desisyon o temporary restraining order (TRO), kaya’t tuloy ang pagdinig sa Kamara.

Samantala, naglabas ng pahayag si Sen. Ronald Bato Dela Rosa bilang suporta sa pagbuo ng koalisyon, iginiit na hindi dapat gamitin ang politika upang patahimikin ang mga lider na umano’y naglilingkod sa bayan.

Sa kanyang talumpati, binatikos ni Mayor Duterte ang administrasyong Marcos kaugnay ng umano’y isyu ng oil crisis, korapsyon, at droga, at ipinahayag ang suporta sa planong pagtakbo bilang pangulo ni VP Sara Duterte sa 2028.

Nanawagan din siya ng mas matatag na pagkakaisa at organisadong pagkilos ng kanilang hanay habang papalapit ang mga susunod na halalan.

Advertisement