Photo © web

Hindi bababa sa limang resource persons, kabilang sina Ombudsman Jesus Crispin Remulla at dating senador Antonio Trillanes IV, ang inaasahang haharap at magbibigay ng testimonya sa House Committee on Justice sa Abril 22 kaugnay ng impeachment complaints laban kay Vice President Sara Duterte.

Ayon kay Justice panel Chairwoman Rep. Gerville Luistro, ang mga inimbitahang resource persons ay may kaugnayan sa mga alegasyon ng unexplained wealth at hindi umano pagdedeklara ng Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN), na maaaring maituring na betrayal of public trust.

“Inaasahan namin ang limang resource persons sa hearing na ito… sila ay relevant pagdating sa allegations ng unexplained wealth at non-disclosure sa SALN,” pahayag ni Luistro.

Inaasahang ipiprisinta ni Remulla ang mga kopya ng SALN ni Duterte mula 2022 hanggang 2025, 2007 hanggang 2013, at 2016 hanggang 2022, matapos siyang mabigyan ng subpoena.

Advertisement

Si Trillanes naman ay inaasahang magbibigay ng testimonya at magpapakita ng mga dokumento kaugnay ng kanyang alegasyon ng umano’y hindi maipaliwanag na yaman ng Bise Presidente.

Ayon kay Luistro, ang subpoena kay Trillanes ay ad testificandum para sa kanyang pagdalo at duces tecum para sa pagdadala ng mga dokumentong hawak niya.

Inimbitahan din ng komite ang Anti-Money Laundering Council (AMLC) upang magbigay ng ulat hinggil sa posibleng “covert transactions at suspicious transactions” ng Bise Presidente at ng kanyang asawa.

Ang Securities and Exchange Commission (SEC) ay inatasan ding magprisinta ng general information sheets at audited financial statements ng mga negosyong idineklara nina Duterte at Manases Carpio, habang ang Bureau of Internal Revenue (BIR) ay inaasahang mag-uulat tungkol sa income tax returns ng mag-asawa.

Ayon kay Luistro, layunin ng pagdinig na matukoy kung may sapat na basehan o probable cause ang mga impeachment complaint upang ituloy sa pormal na paglilitis. Dagdag niya, may kapangyarihan ang komite na mag-isyu ng subpoena upang ipatupad ang paglabas ng mga dokumento tulad ng SALN, ITR, at mga ulat ng AMLC.

Advertisement