Hindi nababahala si Cavite 4th District Rep. Francisco “Kiko” Barzaga sa posibilidad ng pagpapatalsik sa kaniya sa kabila ng kinakaharap na ethics complaints.

Ayon sa mambabatas, handa siyang harapin ang anumang kahihinatnan at naniniwala siyang may iba pa siyang oportunidad sakaling mawalan ng pwesto.

Umaasa rin si Barzaga na wala nang susunod pang suspensyon habang nais niyang pagtuunan ng pansin ang fuel crisis at itulak ang panukalang pagtanggal ng value-added tax (VAT).

Nauna nang nasuspinde ang kongresista dahil sa disorderly behavior na may kaugnayan sa kanyang mga online posts.

Advertisement

Iginiit din ni Barzaga na hindi na siya dumalo sa mga ethics hearings dahil, aniya, hindi rin magbabago ang magiging resulta ng mga ito.

Dagdag pa niya, kung siya man ay mapatalsik, lalo lamang umano nitong mapapatunayan ang sinasabi niyang korapsyon sa Kongreso.

Samantala, nagpahayag din ng pagtutol si Barzaga sa impeachment laban kay Vice President Sara Duterte, na ayon sa kanya ay walang bagong basehan at magdudulot lamang ng sayang sa pondo ng pamahalaan.

Advertisement